Mga suspek sa Maguindanao massacre sumapi na sa bandido kaya 'di mahuli
MANILA, Philippines - Inamin kahapon ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Raul Bacalzo na hirap ang mga awtoridad na maaresto ang 112 pang suspect sa karumal-dumal na Maguindanao massacre dahil karamihan sa mga ito ay sumapi na sa mga bandidong grupo sa Central Mindanao upang makaligtas sa pag-aresto ng tumutugis na puwersa ng pulisya at militar.
“Based on our intelligence monitoring, majority of the suspects have already joined the bandits in Central Mindanao,” ani Bacalzo na ipinuntong sa kabundukan nagsisipagtago ang mga suspek kasama ang mga bandidong grupo.
Kabilang sa grupong inaniban ng mga suspect ay ang lawless groups ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) Alkhobar extortion gang at maging ang Pentagon kidnap for ransom group na aktibong nag-ooperate sa Central Mindanao.
Nanawagan naman si Bacalzo sa mga rebeldeng MILF na kumbinsihin ang kanilang mga kasamahan na isuko sa batas ang mga suspect kung mapagawi ang mga ito sa kanilang teritoryo.
Sa kasalukuyan ay nasa 83 pa lamang sa 195 suspect ang naaaresto kung saan bawat isa ay may reward na P250,000.
Karamihan sa mga wanted na suspect ay mga Civilian Volunteer Organization (CVOs) ng maimpluwensyang angkan ng mga Ampatuan na itinuturong mastermind sa krimen, ilang pulis at apat na sundalo.
- Latest
- Trending