Gas leak umabot na sa kabilang kalye ng Makati
MANILA, Philippines - Hindi lamang ang West Tower Condominium ang apektado ng gas leak na nagmumula sa nasirang pipeline ng First Philippine Industrial Corporation (FPIC) dahil kontaminado na rin ng gas ang kabilang kalye ng Osmena Highway sa Bangkal, Makati.
Kinumpirma kahapon ni Dr. Carlos Arcilla ng National Institute of Geological Sciencies (NIGS) ng University of the Philippines na nanggagaling umano sa naiipong gas sa basement ng West Tower ang kumakalat sa karatig lugar nito.
Sinabi ni Arcilla na tinitingnan pa rin nila kung gaano na kalawak ang kontaminasyon ng gas sa lugar.
Kahapon ay personal na inspeksiyon ni Sen. Juan Miguel Zubiri, chairman ng Senate Committee on Environment and Natural Resources, ang parking sa basement ng West Tower na may apat na level kung saan may nakuhang petrolyo na umaabot sa 2,000 litro araw-araw o 18 drums.
Posibleng magsagawa sila ng isa pang imbestigasyon upang ipasumite sa Shell at Chevron ang kanilang delivery report upang malaman kung ilang litro ng petrolyo ang nawala sa kanilang stocks.
Ang dalawang kompanya ng langis ang may kontrata sa pipeline na pag-aari ng FPIC.
Kung maisusumite agad ng Shell at Chevron ang hinihinging dokumento ay hindi na anya kailangan ang isa pang hearing.
Bagaman halos ilang oras lamang siya sa paligid ng West Tower, inamin ni Zubiri na nahilo siya dahil sa masamang amoy mula sa basement.
Bantay sarado ng mga awtoridad ang paligid ng West Tower dahil posibleng pagmulan ito ng malaking sunog lalo na ang basement na halos puno pa rin ng gas.
Bukod sa bawal manigarilyo malapit sa lugar, pati ang mga photo journalists na nagtungo upang i-kober ang inspeksiyon na ginawa ng komite ni Zubiri ay pinagbawalan na gumamit ng flash dahil posible rin umano itong pagmulan ng sunog.
- Latest
- Trending