MANILA, Philippines - Maiibsan lang ang nararanasang trapik sa kahabaan ng Epifanio Delos Santos Avenue o EDSA kung magtatayo ang gobyerno ng panibagong kalsada na katulad nito.
Ito ang sinabi ni Sen. Ralph Recto kaugnay sa problema ng trapiko sa EDSA na naging dahilan upang ipatupad ang number coding scheme sa mga bus.
Sinabi ni Recto na puwedeng magtayo ng isang elevated na EDSA na maaaring matapos sa loob ng tatlong taon.
Pabor din si Recto na dagdagan ang mga coaches ng Metro Railway Transit (MRT) na maaring matapos sa loob ng isang taon upang mas maengganyo ang mga mamamayan na dito sumakay sa halip na sa bus.
“Nang sa ganoon, makikita ng mga tao na may pag-asa, may light at the end of the tunnel, so to speak,” ani Recto.
Napuna ng senador ang matinding siksikan sa loob ng mga MRT na isa umanong indikasyon na kulang na ang mga coaches nito.
Nagbawas nga ng mga bus na bumibiyahe sa EDSA pero hindi naman nagdagdag ng mga coaches ang MRT.
Naniniwala si Recto na makakatulong ang mga bagong imprastruktura sa paglago ng ekonomiya.