MANILA, Philippines - Nanawagan ang mga empleyado ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) kay Pangulong Aquino na tutukan ang mga suliraning kinakaharap ng kanilang ahensya.
Binigyang diin ng mga nagrereklamong kawani ang kawalan umano ng sapat na kakayahan ni General Manager Alfonso Cusi na pamunuan ang CAAP.
Nauna nang kinuwestyon ng mga kawani ang pagkakatalaga kay Cusi ng nakaraang administrasyon dahil sa kawalan nito ng kasanayan sa aviation.
Anila, ang credentials ni Cusi ay hindi tumutugon sa itinakdang kwalipikasyon ng isang mamumuno sa CAAP. Wala pa rin anilang pagkakataon na pinamunuan ang ahensya ng hindi piloto.
Ang responsibilidad ng CAAP ay kinapapalooban ng pag-aapruba ng lisensya ng flying schools, nag-iisyu ng lisensya sa mga pribado at commercial pilots, sumusuri sa seguridad ng mga airline na nakarehistro sa bansa, nagsasagawa ng check-out sa private at commercial pilots at nagkakansela ng lisensya ng mga eroplano na hindi nakasusunod sa safety requirements.
Ipinaalala rin ng mga manggagawa na nabigo si Cusi na maibalik sa Federal Aviation Authority (FAA) Category 1 ang Pilipinas kaya marapat lang na mapalitan siya sa pwesto.