MANILA, Philippines - Bagaman at kababalik lang mula sa matagal na bakasyon, hindi na naman napigilan ni Senator Miriam Defensor-Santiago ang init ng kaniyang ulo at pagka-irita nang may mag-ring na telepono habang pinamumunuan niya ang pagdinig ng Commission on Appointments, kahapon.
Agad na nagtaas ng boses si Santiago nang marinig ang tunog ng cellular phone sa loob ng Padilla Room kung saan isinasalang sa kumpirmasyon ang ilang ambassadors.
Ayon kay Santiago, dapat irespeto ang mga taong pumapasok sa hearing dahil napuputol ang kanilang “line of thought” kung may mang-iistorbo katulad ng tunog ng telepono.
Hindi naman nakilala kung sino ang may-ari ng cellphone na nag-ring pero hinihinalang ito ay taga-media dahil nagpasaring si Santiago na palagi raw inuupakan ang mga public officials pero hindi naman marunong mag-behave ang mga ito.
Nagbanta si Santiago na kung hindi isasara ang cellphone ng mga dumadalo sa hearing ay ipapa-contempt niya at ipakukulong ang mahuhuli.