Media sinisi sa 'low rating' ni P-Noy
MANILA, Philippines - Sinisi ng Communications Group ni Pangulong Noynoy Aquino ang media sa pagbagsak ng trust at approval ratings nito sa pinakahuling Pulse Asia survey.
Sinabi ni Presidential Communications Operations Sec. Herminio Coloma Jr., hindi kasalanan ng Comm. group ni Pangulong Aquino ang pagbaba ng popularity ratings nito kundi dahil sa media sa maling interpretasyon sa kanilang mga mensahe.
Magugunita na nanawagan si Aquino sa media na pagtuunan ng pansin ang mga bagay na nagsusulong sa kalagayan ng bansa kaysa sa ibang isyu.
Wika pa ni Coloma, nirerespeto ng Malacanang ang tinatanggap nitong batikos mula sa media dahil bahagi ito ng demokrasya.
“Kadalasan po merong pagkakataon na merong interpretasyon na ginagawa ang mass media na hindi naaayon sa mensahe na inilalabas ng pamahalaan,” paliwanag pa ni Coloma.
Una nang sinabi ni Senate Majority Leader Vicente Sotto III na mahina ang Communications group ni P-Noy kaya bumagsak ang popularity rating nito.
Sinabi ni Sotto na dapat itong maging “eye opener” sa Pangulo para tingnan kung epektibo ba o hindi ang kanyang PR at media team.
- Latest
- Trending