MANILA, Philippines - Kinatigan kahapon ni Pangulong Benigno Aquino III ang pagpapatupad ng number coding scheme sa EDSA para sa mga pampasaherong bus.
Sinabi ni DOTC Sec. Jose de Jesus sa media briefing sa Malacañang, inatasan din siya ni Pangulong Aquino na ituloy ang pagsasagawa ng dayalogo sa mga bus operators at iba pang stakeholders upang malutas ang hindi pagkakaunawaan sa pagpapatupad ng color-coding sa mga bus sa EDSA.
“Ang utos niya sa amin ay we will continue with this but he wants us to hold further dialogue with stakeholders upang malunasan natin ang problema na puwedeng bigyan ng solusyon,” paliwanag pa ni Sec. De Jesus.
Umapela din ang dating DOTC chief na si Oscar Orbos sa mga bus operators na bigyan muna ng pagkakataon ang pagpapatupad ng number coding scheme na nakikitang solusyon upang mabawasan ang trapik sa EDSA.
Wika pa ni Orbos, sobra-sobra na ang dami ng buses sa EDSA kaya lumalala ang trapik kaya nais ng MMDA na bawasan ang volume ng sasakyang dadaan sa EDSA upang lumuwag ang trapiko at mabawasan ang sasakyan.
Samantala, maaaring sampahan ng class suit ng sinumang pasahero na na-stranded sa nakaraang transport strike ang mga bus operators na nakaperwisyo sa kanila noong Lunes.
Ayon sa DOTC Undersecretary at spokesman Dante Velasco, puwedeng magsampa ng class suit ang sinumang naapektuhang pasahero sa ginawang strike ng mga bus operators noong Lunes bilang pagtutol nila sa pagpapatupad ng number coding scheme sa EDSA.
Umani naman ng pagbatikos sa ibat ibang on line forum si Integrated Metro Bus Operators Association president Claire dela Fuente at hindi pinaniwalaan ng publiko ang mga ‘alibi’ nito.
Naniniwala din ang publiko na dapat sumunod muna ang mga bus operators sa pagpapatupad ng Unified Vehicle Reduction Program sa ilalim ng RA 7924.
Orihinal namang kasama ang mga bus sa number coding scheme at pinagbigyan lamang sila ng nakaraang administrasyon.
Sinabi din ni Usec. Velasco, handa ang pamahalaan na kastiguhin ang sinumang kumpanya ng bus na magpapatuloy ng kanilang “bus strike” ngayong Miyerkules.
Ipapatawag naman ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang mga may-ari ng bus na sumama sa tigil-pasada noong Lunes.
Ayon kay LTFRB Chairman Nelson Laluces, inihahanda na ngayon ng LTFRB ang pagpapadala ng notice sa mga bus operator upang makapag-paliwanag ang mga ito kung bakit hindi sila dapat patawan ng parusa kaugnay ng ginawang transport holiday.
Kapag napatunayang nagkasala, maaaring makansela ang prangkisa ng isang bus company dahil sa ginawang tigil pasada. - Nina Danilo Garcia, Angie Dela Cruz at Rudy Andal