Seguridad sa Greenhills hinigpitan
MANILA, Philippines - Walang dapat ipangamba ang mga Christmas shoppers sa Greenhills Shopping Center sa lungsod ng San Juan ngayong kapaskuhan.
Pinatibay pa ng pamunuan ng kilalang pamilihan ang mga safety at security measures para sa inaasahang dagsa ng mga Christmas shoppers.
“Nagdagdag na kami ng mga safety at security measures para na din sa katahimikan ng loob ng mga mamimili sa Greenhills Shopping Center,” paliwanag ni Monch Sumulong, Property Manager ng pamilihan.
Sinabi din ni Sumulong na pinalawak nila ang mga nasabing safety and security measures matapos itinaas ng kapulisan ng San Juan ang lebel ng alerto laban sa terorismo sa lungsod.
“Nakikipag-ugnayan kami ng mabuti sa San Juan Police Department at sa lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Guia Gomez para masiguro ang katiwasayan ng Greenhills Shopping Center at ang kaligtasan ng mga mamimili,” dagdag ni Sumulong.
Ilan sa mga joint measures na iniluklok ng pamunuan ng Greenhills at mga otoridad ay ang pagdagdag ng mga pag-iinspeksyon sa loob ng pamilihan at sa mga parking areas sa paligid, pagdagdag ng foot patrols at ng K-9 units.
Para maging mas madali ang pag-shopping, ang pamunuan ng Greenhills ay lalo pang pagbubutihin ang daloy ng trapiko sa loob at sa paligid ng shopping center. Magiging dalawa na din ang valet parking stations dito.
Sinuportahan naman ng mga stakeholders ng shopping center, kasama na ang mga nagtitindang Maranao sa Greenhills, ang mga nasabing pag-aayos.
- Latest
- Trending