Coding sa mga bus umpisa ngayon
MANILA, Philippines - Magpapakalat ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng 1,800 traffic enforcers sa buong kamaynilaan upang matiyak na maipatutupad ang number coding scheme sa public utility buses (PUBs) na magsisimula ngayon.
Kinansela ni Chairman Francis Tolentino ang day-offs ng lahat ng traffic personnel upang masiguro ang epektibong pagpapatupad ng Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) sa PUBs.
Ayon kay Tolentino, maglalagay sila ng paalala sa major thoroughfares at sa South at North Luzon Expressways (SLEX and NLEX) upang maipaalam sa publiko na ang number coding sa PUBs ay ipatutupad na simula sa November 15.
Tinatayang 13,000 PUBs, provincial at city, ang saklaw ng programa. Mahigit isanlibo sa mga sasakyang ito ang maaapektuhan ng UVVRP scheme kada araw.
Ipakakalat ang traffic enforcers sa SLEX at NLEX exits upang mahuli ang mga provincial buses na papasok sa Metro Manila na lalabag sa number coding scheme.
Ipahihiram ng Philippine National Police ang ilan nitong bus sa MMDA at ilalagay ito sa mga kritikal na lugar upang maibiyahe ang mga pasahero ng mga lumabag na bus sa iba’t ibang terminals.
Inaasahan ang maraming paglabag kaya gagamitin ng ahensiya ang White Plains bilang pansamantalang holding area para sa mga bus na ang mga driver o konduktor ay lalabag sa paghuli ng traffic enforcers.
Ang number coding para sa buses ay ipatutupad mula 7 am hanggang 7 pm. Ngunit hindi tulad sa mga pribadong sasakyan at ibang PUVs, hindi magkakaroon ng window hours na 10am-3pm para sa PUBs.
- Latest
- Trending