Ilang pintura delikado sa utak

MANILA, Philippines –  Mapanganib sa utak at iba pang bahagi ng katawan ang ilang household enamel paints na mabibili sa lokal na merkado dahil sa mataas na lebel ng lead na taglay ng mga ito.

Ito ang ibinunyag ng grupong EcoWaste Coalition, matapos ang laboratory tests na isinagawa nila sa ilang household enamel paints sa bansa.

Ayon sa grupo, na nagsusulong ng chemical safety sa bansa, 24 o 69 porsiyento ng 35 paint samples na binili nila sa mga local hardware shops at ipinadala sa University of Cincinnati (UC) sa Ohio, USA para ipasuri ay lumilitaw na may mataas na lebel ng lead o lampas sa “US lead in paint standard” na 90 parts per million (ppm).

Mahigit pa umano sa kalahati ng mga sample ay may lead levels na mas mataas ng 100 ulit sa US standard.

Ito ang ikalawang pagkakataon na nagpasuri ng mga paint samples ang grupo sa ibang bansa. Ang una ay noong 2009, at lumitaw na 40 porsi­yento ng 25 Philippine paint samples na sinuri sa isang government accredited laboratory sa New Delhi, India ay lumitaw na may lead concentration na mas mataas sa 90 ppm.

Kaugnay nito, umapela sa pamahalaan si EcoWaste official Manny Calonzo, na magpatupad ng national regulation na susugpo sa paglalagay ng toxic substance sa mga pintura upang maiwasan ang lead poisoning, partikular sa mga bata.

Ang lead ay itinuturong responsable sa malawakang environmental pollution, gayundin sa human exposure at health problems na nakakaapekto hindi lamang sa nervous system kundi maging sa cardiovascular, gastrointestinal, hematologic at renal systems ng katawan. 

Show comments