MANILA, Philippines - Muling nagbuga ng abo ang Bulkang Bulusan sa Sorsogon kahapon ng umaga na umaabot ng 700 metro.
Ayon kay Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) director Renato Solidum Jr., dahil sa hangin doon ay kumalat ang abo sa mga residente sa bayan ng Irosin at Juban na pawang sa paanan ng bulkan.
Sinabi ni Solidum na dahil sa pagluluwa ng abo ng bulkan, posibleng ito ay patuloy na mangyari sa mga darating pang mga linggo.
Noong Martes, 800 metro taas ng abo ang iniluwa ng Bulusan.
Niliwanag naman ni Solidum na walang magma at walang bagong material sa ilalim ng bulkan kayat ‘wag magpapanik ang mga tao doon dahil wala pa itong banta ng pagsabog at nananatiling nasa alert level 1 ang bulkan.
Kapag naisailalim na anya sa alert level 3 hanggang 4 ang bulkan, tiyak na may susunod na pagsabog ito.