Oil shortage gumagapang na
MANILA, Philippines - Ramdam na ang “shortage” sa petrolyo matapos 30 gasolinahan ng Filipinas Shell sa Metro Manila ang nagsara na dahil sa kawalan ng suplay na maibebenta habang nasa 90 pa ang nakakaranas na rin ng kakapusan.
Maging ang istasyon ng kumpanya sa Qurino Avenue malapit mismo sa Pandacan oil depot ay tatlong araw ng kinakapos sa suplay ng ilang uri ng petrolyo.
Bunsod nito, nagbabala si Shell spokesman Roberto Kanapi na tinataya nilang aabot na rin ang kakulangan ng suplay sa ilang mga lalawigan dahil sa paglawig pa ng pagsasara ng Batangas-Pandacan pipeline.
Ipinaliwanag ni Kanapi na ang mga fuel tankers kasi na ginagamit nila ngayon para ibiyahe ang mga petrolyo mula sa Batangas patungo ng Pandacan ang mga ginagamit rin nila na pang-deliver sa ilang mga lalawigan at kung tatagal pa ito ay mauubusan na rin ng imbak ang mga gasolinahan sa labas ng Kamaynilaan.
Sinabi nito na ang kanilang “business continuity plan” para sa Metro Manila makaraan ang pagsasara ng pipeline ay nasa apat hanggang limang araw lamang ngunit nakasara na ang pipeline ng higit isang linggo.
Inaasahang tatagal pa ito dahil sa hindi pa ipinag-uutos ng Makati City government na nais matiyak na wala nang iba pang butas ang pipeline.
Nanawagan na si Kanapi kay Mayor Junjun Binay na payagan nang makapag-operate uli ang pipeline kung matagumpay ang pagkumpuni sa tagas upang maging normal na ang sitwasyon ng suplay ng petrolyo.
- Latest
- Trending