'No return, no exchange' bawal
MANILA, Philippines - Binalaan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga negosyanteng nagti-tiangge maging ang mga malalaking department store na mapapatawan ng parusa kung magpapatupad ng “no return, no exchange” policy sa kanilang mga negosyo.
Sinabi ni Undersecretary Zenaida Maglaya na nasa ilalim ng Consumers Welfare Act ang pagbabawal sa mga negosyante na magpatupad o maglagay ng “signages” kung saan hindi tinatanggap ang mga isinasauli o ipinapalit na mga nabiling produkto lalo na kung depektibo ito.
Bawal rin umano ang ginagawa ng ilang mga shopping malls na nagpapatupad ng pitong araw na palugit sa mga kustomer para isauli o palitan ang mga nabiling depektibong produkto. Sa ilalim umano ng umiiral na batas, 60-araw ang dapat ibigay na palugit ng mga negosyante para isauli o palitan ng iba ang mga nabiling depektibong produkto.
Pinagsabihan rin nito ang publiko na maging mapanuri munang maigi sa anumang depekto ang produktong natitipuhan bago ito bilhin upang hindi na magkaproblema.
Hindi naman umano sakop ng batas ang dahilan ng mga mamimili na nais nilang isauli o palitan ang nabili dahil sa hindi na nila gusto ang disenyo, estilo o kulay nito.
Maaaring magsumbong ang mga mamimili sa DTI hotline nos. 751-3330.
- Latest
- Trending