1-milyong lapis, 680 toneladang gatas para sa mag-aaral sa public schools
MANILA, Philippines - Makakatanggap ng 1 milyong lapis at 680 toneladang gatas ang libo-libong piling mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan sa patuloy na programa ng Department of Education (DepEd) sa paghingi ng tulong sa iba’t ibang pribadong kumpanya at grupo para sa pagtaguyod ng edukasyon sa bansa.
Ikakalat ang 1milyong Mongol na lapis na donasyon ng kumpanyang Newell Rubbermaid sa mga paaralan sa Luzon at Visayas ngayong buwan ng Nobyembre hanggang Enero 2011.
Naisakatuparan ang naturang donasyon sa pamamagitan ng tulong ng Embahada ng Estados Unidos. Isinagawa ang turn-over ng mga lapis kahapon sa Aurora Elementary School sa Malate, Maynila.
Tinatayang nasa 85,000 mag-aaral naman sa elementarya ang mabibiyayaan ng gatas at biskwit na donasyon naman ng US Department of Agriculture sa DepEd.
Ipapamahagi ang mga gatas at biskwit sa 271 pampublikong paaralan sa apat na rehiyon sa Hilagang Luzon na pinakamatinding tinamaan ng mga bagyong Ondoy at Pepeng at maging ang mga katatapos pa lamang na bagyo. Tatagal ang pamamahagi nito sa loob ng 2 buwan o 60 araw na layong mapataas ang kalusugan ng mga mag-aaral na nasa kahirapan.
- Latest
- Trending