Pag-agos ng lahar sa Mt. Bulusan binabantayan
MANILA, Philippines - Binabantayan na ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) ang posibleng pagdaloy ng lahar mula sa bunganga ng Mt. Bulusan bunga ng malalakas na pag-ulan sa Sorsogon umpisa nitong Lunes ng gabi.
Ayon kay NDRRMC Executive Director Benito Ramos, kailangang lisanin kaagad ng mga residente ang kanilang mga tahanan kapag naramdaman na ng mga ito ang peligro sa pagbuhos ng malalakas na ulan na magpapadaloy ng lahar sa mga ilog.
Sa report ni Office of Civil Defense (OCD) Region V Director Rafael Alejandro, kabilang sa posibleng maapektuhan ng pagdaloy ng lahar sa mga ilog at dalisdis ng bundok ang Brgy. San Juan sa bayan ng Casiguran, Gogon sa Irosin at Anog sa Juban.
Kahapon ay muling nagbuga ng makapal na usok ang Bulusan at naitala ang panibagong ash explosion dakong 3:45 ng hapon.
Ang ash columns ay may taas na 500 metro sa himpapawid na patungo sa direksyon ng bayan ng Irosin at Juban kaya pinayuhan ang mga residente dito na takpan ang kanilang mga ilong sa ash fall.
Tinatayang 80,000 residente mula sa 70 barangay sa anim na bayan ng Sorsogon na kinabibilangan ng Irosin, Juban, Casiguran, Gubat, Barcelona at Bulusan ang posibleng maapektuhan sakaling maganap ang pinangangambahang pagsabog ng bulkan.
Nabatid na ipatutupad naman ang puwersahang paglilikas ng mga residente sa mga lugar na tatamaan ng pagsabog kapag itinaas na ito sa alert level 3.
Samantala naitala rin ang kabuuang 8 volcanic earthquakes sa Bulusan sa nakalipas na 24 oras.
Sa tala ang Mt. Bulusan ay may taas na 1, 565 metro na pinakamataas sa Sorsogon, sumasaklaw sa 3,6672 hektaryang lupain kung saan ang bulkan ay nakapagtala ng 17 insidente ng pagsabog nito simula pa noong 1886.
Ayon pa kay Alejandro, tinatayang nasa 80,000 katao mula sa anim na bayan sa palibot ng Bulusan ang posibleng maapektuhan kapag sumabog ang naturang bulkan.
Sa kasalukuyan ay pinagbabawalan pa rin ang mga residente na lumapit sa idineklarang Permanent Danger Zone (PDZ) area at posible itong palawigin kung magpapatuloy ang abnormalidad nito.
- Latest
- Trending