Imbestigasyon sa Laguna Lake project hindi na itutuloy ng Senado
MANILA, Philippines - Hindi na itutuloy ng Senado ang imbestigasyon nito sa P18.5 bilyong Laguna Lake Rehabilitation Project matapos ihayag ni Pangulong Benigno Aquino III na hindi na rin itutuloy ang proyekto.
Ayon kay Sen. Teofisto Guingona III, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, wala na ring kabuluhan na ipagpatuloy pa ang imbestigasyon matapos ideklara ng Pangulo na hindi nito inaprubahan ang paghuhukay sa Laguna Lake.
Sinabi ni Guingona na maraming mga isyu ang nasabing kontrobersiyal na proyekto kaya iimbestigahan sana ito ng Blue Ribbon Committee.
Nakita rin umano ng Pangulo na pag-aaksaya lamang ng pondo ang gagawing paghuhukay sa Laguna Lake na aabot sa P18.5 bilyon ang halaga dahil ang huhukaying materials ay itatambak din sa ibang parte naman ng lawa.
Samantala, iginigiit naman ng Kilusang Lawa Kalikasan (KLK), isang environmental group na ipagpatuloy ang proyekto ng paghuhukay sa Laguna Lake dahil magiging daan umano ito upang malinis ang lawa at mas magkaroon ng oportunidad ang mga mangingisda sa Laguna at Rizal.
Sinabi ni Guingona na isa siya sa sinisi ng nasabing grupo sa pagka-unsiyami ng proyekto pero anumang kontrata umano na papasukin ng gobyerno kung saan kahina-hinala at “disadvantageous” sa pamahalaan ay dapat imbestigahan.
- Latest
- Trending