SC kinalampag uli sa toll hike
MANILA, Philippines - Hiniling kahapon sa Korte Suprema ni Atty. Ernesto Francisco na ikonsidera ang naunang desisyon nito na nag-aalis sa temporary restraining order kaugnay sa planong pagtataas ng toll fee.
Base sa 100-pahinang motion for reconsideration na isinampa ni Francisco, iginiit nito na hindi umano ma-determina ng Toll Regulatory Board (TRB) kung ang contractor at operator ay may kapangyarihan sa pagtataas ng singil sa toll.
Bukod dito labag din umano sa saligang batas ang pagbibigay ng gobyerno sa TRB ng kapangyarihan para pumasok sa kontrata para sa construction, operation at maintenance ng “toll facilities”.
Iginiit ni Francisco na walang karapatan at hindi magiging patas ang TRB na duminig sa petisyon para sa initial toll rates at rate adjustments.
Bukod dito, magiging moro-moro lamang umano ang anumang public hearing na gagawin ng TRB dahil ito ang partido at signatory sa Supplemental Toll Operation Agreement (STOA).
Paglabag rin umano sa karapatan ng publiko ang gagawing pagtataas ng singil na tila pinapatay na ng foreign investor ang mga motoristang Filipino.
Nauna nang sinabi ni Francisco na hindi pa maaring magtaas ng singil ng toll sa south luzon expressway sa kabila ng ginawang pagbawi ng Korte Suprema sa ipinalabas nilang TRO na pumipigil sa dagdag-singil sa toll sa SLEX dahil hindi pa naman pinal ang disisyon ng SC.
- Latest
- Trending