MANILA, Philippines - Umaabot na umano sa 40 porsiyento ng kabuuang populasyon ng Pilipinas ang walang sariling tahanan o squatter.
Sa Senate Bill 2555 o “Homeless Assistance Act” na inihain ni Senator Miriam Defensor-Santiago, lumabas sa pag-aaral ng Homeless International, isang charitable organization na nakabase sa United Kingdom na nasa 40 porsiyento ng mga Pinoy ang nasa tinatawag na “slum area”.
Ang mga slums area umano ay walang access sa mga basic services, walang legal na karapatan sa kanilang tinitirhang lupa at kalimitan ay mga nasa delikadong lugar gaya ng shorelines, malapit sa dumpsites, nasa ilalim ng tulay o kaya naman ay malapit sa mga bundok.
Ayon kay Santiago, responsibilidad ng gobyerno na itaas ang antas ng pamumuhay ng mga mamamayan at dapat tulungan ang mga walang tirahan o mga tinatawag na “informal settlers” na nasa mga slum areas.
Kung magiging batas, nais ni Santiago na ipaayos ng gobyerno ang mga gusaling pag-aari ng gobyerno upang magamit ng mga walang tirahan.
Dapat din umanong magkaroong ng access sa mga kinakailangang serbisyo ang mga mamamayan katulad ng trabaho, edukasyon at pagkain.
Maari rin umanong bilhin ng gobyerno ang mga buildings na pag-aari ng mga religious organizations at mga pribadong kompanya upang magsilbing tirahan ng mga tinatawag na “homeless”.