OFWs namemeligro sa 'currency war'

MANILA, Philippines - Nagbabala si Ang Kasangga party-list Rep. Teodorico Haresco na lalo pang lalala ang kalbaryo ng mga pamilya ng mga overseas Filipino workers dahil lalo pang babagsak ang halaga ng dollar laban sa piso hinggil sa diumano’y nagaganap na “currency war” ng mga economic superpowers.

Sinabi ni Haresco, vice chairman ng House committee on Small Businesses and Entrepreneurship Development, na dapat magpatupad ng paghihigpit ang pamahalaan sa pagtanggap ng mga dayuhang puhunan na inilalagak lamang sa mga tinaguriang portfolio investments.

“With the US and its Europen allies charging China of deliberately undervaluing its Yuan and China accusing the same to the US,  there is now a tsunami of capital on emerging economies  thereby resulting to the surge of currencies in countries like the Philippines, Thailand and Singapore,” sabi ni Haresco.

Ayon kay Haresco, lalo pang bababa ang halaga ng dollar dahil sa ipinapatupad ngayon ng  pamahalaan ng US na Quantitative Easing (QE) upang mapasigla ang kanilang ekonomiya. Ang QE ay isang paraan na ipinapatupad ng mga central bank upang mapigilan ang pagkabangkarote ng isang bansa sa pamamagitan ng pag-iimprenta ng salapi.

Sabi ni Haresco, ang ginagawang ito ng US ay tiyak na lalong magpapahina sa dolyar at ito’y magdudulot ng masamang epekto sa ekonomiya ng Pilipinas na umaasa sa mga  remittances ng mga OFWs at sa mga salaping nagmumula sa  export at Businesses Process Outsourcing (BPOs) operations.

Show comments