Pinay teacher timbog sa 2 kilong heroin sa China!
MANILA, Philippines - Sa kabila ng mga babala ng pamahalaan sa mga Pinoy na nabibiktima ng international drug syndicates, isa na namang Pinay ang inaresto at nahaharap sa kasong bitay matapos na mahulihan ng halos dalawang kilong heroin habang papasok sa paliparan ng China.
Base sa report ng Philippine Consulate General sa Guangzhou, ang Pinay ay agad na dinakip ng mga operatiba ng Bureau of Anti-Smuggling ng Customs District ng Guangzhou nang makita sa kanyang check-in luggage ang may 1,996 grams o 1.996 kilo ng heroin na nakabalot sa foil packet at nakasiksik sa kanyang bagahe habang papasok sa Guangzhou International Airport.
Ayon sa Konsulado, ang nasabing Pinay ay matagal ng nagtuturo bilang isang school teacher sa Guangdong Province sa China at dahil sa tiwala ng Chinese government ay nabigyan na siya ng “alien employment permit”.
Sinabi ng DFA, ang kasong drug smuggling at pagdadala ng nasabing bigat ng droga ay may katapat na parusang kamatayan sa batas ng China.
Sa tala ng Konsulado, may 100 Pinoy ang kasalukuyang nakapiit at nahaharap sa parusang bitay at pagkakabilanggo dahil sa pagpupuslit ng droga. Mula sa nasabing bilang, 78 dito ay mga kababaihan.
Nabatid na ang mga nahatulan ng bitay mula sa nasabing bilang ay nakabinbin pa ang kanilang mga apela sa People’s Supreme Court sa Beijing.
Napag-alaman ng DFA na karamihan sa mga Pinay na single mother o hiwalay sa mga asawa ang tinatarget ng international drug syndicates upang gawing drug mules kapalit ng mga alok na $3,000 pataas o kaya ay trabaho sa ibang bansa.
Sa China, ang mga mahuhulihan ng 50 gramo ng illegal drugs ay may katapat na parusang kamatayan o habambuhay na pagkakabilanggo kapag napatunayang nagkasala.
Bunga nito, nagpaalala ang DFA sa mga Pinoy lalo na ang mga OFWs na mag-iingat sa pakikipag-transaksyon sa mga hinihinalang sindikato na nag-aalok ng malaking halaga upang magdala ng mga packages at ideliver ito sa mga drug traffickers.
- Latest
- Trending