MANILA, Philippines - Nagbabala si Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri sa mga residente ng lungsod na huwag gumamit ng mumurahin at substandard na Christmas lights at décors na posibleng pagsimulan ng sunog.
Ayon kay Echiverri, maraming mga nagkalat ngayon sa bangketa at mga palengke na nagtitinda ng mumurahing Christmas lights at décors na tinatangkilik naman ng residente na gustong makatipid sa mga gastusin.
Dahil dito, inatasan ng alkalde ang iba’t ibang departamento sa city hall na magsagawa ng malawakang kampanya laban sa mga nagtitinda ng mga substandard na Christmas lights at décors nang sa gayon ay masiguro ang kaligtasan ng mga residente.
Binalaan din ni Echiverri ang mga negosyante na nagtitinda ng mga mumurahing Christmas décors na posibleng makasuhan ang mga ito kapag ipinagpatuloy ang pagbebenta ng mga substandard na pailaw.
Samantala, sa naging paliwanag ng Bureau of Fire Protection (BFP), mas madaling magliyab ang mga mumurahing Christmas decors dahil manipis lamang ang ginamit na kable dito kumpara sa mga pailaw na ibinebenta ng ligal na dumaan sa tamang proseso at pagsusuri ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno.