MANILA, Philippines - Bilang bahagi ng austerity measure ng administrasyong Aquino, tinapyasan ng Malacañang ang sariling intelligence fund ng Office of the President.
“Ito ay alinsunod sa simulain ng pagtitipid at ng hangarin naming bawasan ang paggugol ng mga hindi nakaprograma at hindi idinaraan sa audit,” pahayag kahapon ni Presidential Communications Operations Office Sec. Herminio Coloma.
Ayon kay Coloma, ang pagbabawas sa intelligence fund ay mungkahi ni Executive Secretary Paquito Ochoa, Jr. “alang-alang sa simulain ng transparency at maingat na paggugol ng pondo.”
Sinabi ni Coloma sa pagdinig na idinaos sa Senado, hiniling ni Ochoa ang badyet na P4.075 bilyon na mababa ng 4.3 porsiyento sa P4.259 bilyong badyet ng nagdaang administrasyon dahil sa patakaran ng Pangulong Aquino na maging maingat sa paggugol ng pondo.
Binanggit niya na ito rin ang badyet na pinagtibay ng Committee on Appropriations ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Ipinaliwanag ni Ochoa na binawasan ng Tanggapan ng Pangulo ang mga balak pagkagastahan ng iba-ibang tanggapan sa loob ng Malakanyang at binuwag pa ang ilang opisina sa ilalim nito.
Idinugtong pa niya na ang salapi para sa Intelligence Fund ng Palasyo at Presidential Anti-Organized Crime Task Force ay inilaan na para sa pondong kailangan ng dalawang bagong opisina.
Alinsunod kay Ochoa, sa susunod na taon ang pondo para sa Maintenance, Operating and Other Expenses (MOOE) ay kinaltasan ng P163.9 milyon at ang professional services ang kinaltasan ng pinakamalaking halaga na umaabot sa P152.7 milyon. Idinugtong niya na malaki rin ang nabawasan na halagang gastos sa pagpapaimprenta, pagpapaanunsiyo, biyahe at representation expenses.