Dengue, global threat - WHO

MANILA, Philippines – Idineklara na ng World Health Organization (WHO)  ang sakit na dengue bilang “major threat to global public health”.

Ayon kay WHO regional director for the Western Pacific Dr. Shin Young-soo, layon ng pagpapalabas ng anunsyo na palakasin ang babala sa mga apektadong bansa lalo na sa Pacific Region, kabilang na ang Pilipinas dahil sa dami ng mga tinatamaan ng sakit na ito.

Sinabi ni  Young-soo na hindi na maaaring balewalain ang naturang sakit dahil napakahirap nitong mapigilan sa paglaganap. Aniya, ang estatistika ng pagdami ng dengue cases ay puro pataas na indikasyon ng nakakaalarmang sitwasyon.

Nabatid na sa buong mundo, aabot sa 2.5 bil­yon katao ang nanga­nganib sa nabanggit na sakit at ang 1.8 bilyon nito o 70 porsyento ay sinasabing nasa Asia Pacific Region.

Sa pinakahuling ulat ng Department of Health (DoH), pumalo na sa 90,771 ang kabuuang bilang ng mga tinamaan ng sakit na dengue mula lamang noong Enero hanggang Setyembre.

Ayon kay Health Secretary Enrique Ona, ang nabanggit na bilang ay mas mataas ng 124.37 porsiyento kumpara sa 40,456 na kanilang record noong nakaraang taon para sa kaparehong panahon.

Batay sa talaan, pi­nakamarami ang itinaas sa Region VI na may 18.3 porsiyento; sinusundan ng Region IV-A na may 12.5 percent; National Capital Region na may 9.9 porsiyento; Region XII na may 9.1 percent at ang Region VIII na mayroon namang 8.0 porsiyento.

Show comments