MANILA, Philippines - Ang team ng ABS-CBN Channel 2 ang siyang tinanghal na Champion sa katatapos na Manila Police District Press Corps (MPDPC) 6th Badminton Tournament na ginanap sa MPD Badminton Court sa UN Avenue, Ermita, Manila noong Sabado (Oct. 30).
Ipinakita ng ABS-CBN team, na maging sa sports na badminton, ay magagaling ang kanilang mga reporter makaraang manguna sa kabuuang walong team na sumali sa liga, kung saan nag-runner –up naman ang team ng Makati.
Ang ABS-CBN team ay binubuo nina Zyann Ambrosio at partner na si Chie Aguilar, para sa Ladies doubles; Jay Manahan at Levi Aguilar, Men’s Doubles; Emil Tiangco at Evette Borromeo sa Mixed Doubles.
Ayon kay Bening Batuigas, presidente ng MPDPC, masaya at matagumpay ang katatapos nilang palaro na sinalihan din ng mga team mula sa ABS-CBN, NBN-Channel 4, Manila Times, National Bureau of Investigation (NBI), Philippine Coast Guard (PCG), Makati at Quezon City Police District (QCPD).
Sinabi naman nina Mer Layson, Treasurer at Zony Esguerra, Vice President ng MPDPC, mga organizer ng liga, mahalagang magkaroon ng sapat ng ehersisyo ang bawat isang tao para magkaroon ng malusog na pangangatawan at kaisipan.
Ang pamunuan ng MPDPC ay malugod na nagpapasalamat kay MPD Director P/Chief Supt. Roberto Ronggavilla at National Press Club (NPC) President Jerry Yap na walang sawang tumutulong at sumusuporta sa lahat ng proyekto ng MPDPC at personal ding dumalo para sa ceremonial toss ng liga.
Nagpapasalamat din ang MPDPC sa mga isponsor ng palaro kaya naging successful ang liga na pinangungunahan ni Miguel Belmonte ng Philippine Star, Edgard Cabangon ng City State Tower, Nelson Guevarra ng PG Flex at iba pa.