MANILA, Philippines - Upang mahikayat ang mas maraming Pinoy na bumili at gumamit ng mga ‘eco-friendly bags’ ay dapat umanong babaan ang presyo ng mga ito para maging affordable sa publiko.
Ito ang apela ng environmental group na EcoWaste Coalition sa mga major retailers kasunod nang pagsisimula ngayong Nobyembre ng “Reusable Bag Day,” kung saan tuwing araw ng Miyerkules ay hindi na magbibigay ng libreng plastic bags sa kanilang mga kostumer ang mga kalahok na malls at supermarkets.
Sa halip, pababayaran ng mga naturang malls at supermarkets ang mga magagamit na plastic bags, upang mahikayat ang mga mamimili na magdala na lamang ng mga ‘eco-friendly’ o ‘reusable’ bags.
Gayunman, ayon sa grupo, mahal ang mga reusable bag kaya’t maraming ordinaryong mamimili, na kahit nais na tumulong para mabawasan ang paggamit ng plastic bags para sa kalikasan, ay napipigilan dahil sa kawalan ng kakayahang bumili ng reusable bags.
Sa kanilang market investigation, lumitaw na ang mga reusable bags ay nagkakahalaga ng P25 hanggang P295.
Panukala pa ng Ecowaste, upang maging habit ng mga mamimili ang pagdadala ng reusable bags sa pamimili, ay dapat aniyang gawing praktis ng mga cashier at attendant ang pagtatanong sa mga kostumer, kung may dala bang reusable bags ang mga ito.