MANILA, Philippines - Itinuturing na pinakabatang kapitan ng barangay sa buong Pilipinas ang nanalong chairman ng Barangay Arkong Bato, Valenzuela City na si Rovin Andrew M. Feliciano na nakatakdang magsilbi sa kanyang lugar sa edad na 19-taong gulang.
Hindi naging hadlang ang pagkakaroon ng murang edad ni Feliciano nang manalo ito sa katatapos na eleksiyon kung saan ay nanalo ring lahat ang kanyang mga kasama na sina Willie Urrutia, Cesar Sumala, Totoy Urrutia, Ace dela Cruz, Ester Santos, Rose Leecon at Danny Cueto bilang mga kagawad.
Si Rovin ay anak ni Valenzuela City Liga ng mga Barangay President, Councilor Alvin Feliciano.
Bago tumakbong kapitan ng barangay Arkong Bato ay pinagkatiwalaan si Rovin ng kanyang mga kabarangay na maging chairman ng Sangguniang Kabataan noong 2007 election kung saan ay naging landslide ang panalo nito. Naging chairman rin ito ng Committee on Ethics and Religious Affairs ng Samahang Kabataan Federation Valenzuela City Chapter.
Napili rin bilang kinatawan si Rovin ng Valenzuela City Youth Leadership Summit ng Armed Forces of the Philippines at hinirang din ito bilang most outstanding leader sa buong National Capital Region (NCR).
Dumalo rin ito sa ginanap na 2008 Dangerous Drugs Board Conference ng mga Lungsod ng Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela (CAMANAVA) at naging tagaplano sa mga usapin kung paano masusugpo ang ipinagbabawal na droga.
Naging delegado rin si Rovin noong 2009 sa Young Progressive South-East Asians Conference kung saan ay ito rin ang inatasang magplano at manguna sa pagbibigay ng solusyon sa mga suliranin ng kabataan sa buong Timog-Silangan Asya.
Sa mga naging “accomplishment” na ito ni Kapitan Rovin sa kanyang murang edad ay umaasa ang kanyang mga kabarangay na magiging maganda ang pagsisilbi nito bilang chairman sa kanilang lugar kahit na ito ay matatawag pa nating teenager.