MANILA, Philippines - Hangad ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri na maging taimtim ang paggunita ng mga residente sa nalalapit na pagdiriwang ng Araw ng mga Patay bilang pag-alala sa kaluluwa ng mga yumaong kamag-anak ng mga ito.
Ayon kay Echiverri, taimtim na panalangin ang kailangan ng mga yumao nating kamag-anak kaya’t hiniling nito sa mga residente na magbigay ng dasal sa kaluluwa ng kanilang mga kaanak sa halip na kung anu-anong selebrasyon ang kanilang gawin.
Inalerto na rin ng alkalde ang lokal na pulisya at ang Reformed Department of Public Safety and Traffic Management (RDPSTM) upang mapanatili ang kaayusan sa lahat ng sementeryo sa buong lungsod. Napag-alaman na mayroong pitong sementeryo sa Caloocan City.
Nagbabala naman sa mga residente si Caloocan City Chief of Police, Sr. Supt. Jude Wilson Santos na huwag magdala ng anumang armas at inuming nakakalasing sa loob ng sementeryo upang hindi mahuli ang mga ito.