MANILA, Philippines - Patuloy ang programang “Murang Palibing” ng pamahalaang lokal ng Quezon City sa mga mahihirap na residente ng lunsod upang matulungan at madamayan ang mga ito sa panahon ng kanilang pagdadalamhati.
Una nang lumagda sa isang kasunduan si Quezon City Mayor Herbert Bautista at ang mga kasapi ng QC Mortuary Association, Inc. kung saan nakasaad na magbibigay ng funeral service ang bawat kasapi ng Mortuary Association, Inc. sa halagang P6,500 para sa matatanda at P3,500 para sa mga bata kasama na ang kabaong, pagkuha ng bangkay sa kung saan man ito nagmula, pag-embalsamo at pagpapagamit ng burulan (Lunes hanggang Biyernes).
Hindi kabilang sa funeral service ang burial permit, cremation, cemetery lot, columbarium, niche at iba pang processing papers. Ang QC Mortuary Association, Inc. ay may 42 miyembrong punerarya.
Kailangang magsumite ng original at certified true copy ng death certificate sa social services development department ng lungsod ang sinumang nagnanais na makakuha ng tulong.