MANILA, Philippines - Taliwas sa panukala ng ilang mambabatas na buwagin na ang Sangguniang Kabataan, nais naman ni Senador Miriam Defensor Santiago na gawing 12 anyos ang minimum age requirement sa Sangguniang Kabataan.
Sa Senate Bill 1739 na inihain ni Santiago, naniniwala ang senadora na mas marami ang dapat makinabang sa mga programa ng SK lalo na kung bibigyan ng 15 percent mula sa general fund ng bawat barangay bilang budget nito.
Ipinaliwanag ni Santiago na mas magagabayan ng estado ang mas maraming kabataan kung gagawing 12 taon ang minimun age requirement para sa mga miyembro nito.
Dapat aniyang mas pagtuunan ng pansin sa SK ang mga programa para sa ispirituwal at moral well-being ng mga kabataan sa halip na nakatuon lamang sa physical development ng mga ito.
Dahil maraming magulang ang hindi na nabibigyang aral ang mga anak ukol sa moralidad at spiritwalidad, ang gobyerno na ang kailangang magsulong ng reporma.