Full alert sa Undas ikinasa ng PNP
MANILA, Philippines - Isinailalim na kahapon sa ‘full alert status‘ ng Philippine National Police (PNP) ang 135,000 buong puwersa nito sa bansa kaugnay ng paggunita sa Undas sa darating na Lunes, Nobyembre 1.
Ayon kay PNP Chief Director General Raul Bacalzo, 85 % o kabuuang 110,000 mga pulis ang kanilang idedeploy para sa inilatag nilang “Oplan Kaluluwa” upang mangasiwa sa kapayapaan at seguridad sa milyun-milyong Pinoy na dadagsa sa mga sementeryo.
Partikular na babantayan ang bisinidad ng mga sementeryo, bus terminals, LRT, MRT, daungan at paliparan upang mapigilan ang posibleng pananabotahe sa Undas ng mga masasamang elemento.
Maglalagay rin ang PNP ng tig-isang Police Assistance Center (PACs) sa bawat sementeryo o mga memorial park para puntahan ng mga tao sa mga emergency gaya ng mga nawawalang tao, mga aksidente, stampede, petty crime atbp.
Sa Luzon, inatasan rin ni Bacalzo ang Ilocos-Pangasinan Region Cagayan Valley Region, Cordillera, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa at Bicol Region para maglagay ng PACs sa kahabaan ng McArthur Highway, Maharlika Highway at Manila South Road para tiyaking ligtas ang ruta ng mga motorista na bibiyahe sa mga probinsya.
May mga pulis ring magroronda sa mga kabahayan sa mga komunidad tulad ng mga subdibisyon upang masupil ang mga posibleng pagsasamantala ng mga Akyat Bahay gang sa mga bahay na walang maiiwang mga tao.
Kasabay nito, nagbigay rin ng safety tips ang PNP sa publiko para makaiwas sa pananamantala ng mga masasamang elemento.
- Latest
- Trending