Suplay ng petrolyo sa MM mapaparalisa
MANILA, Philippines – Posible umanong maparalisa ang supply ng produktong petrolyo matapos magpalabas ng kautusan si Makati City Jejomar “Jun Jun” Binay Jr. na ipasara ang pipeline ng First Philippine Industrial Corporation (FPIC) na dinadaluyan ng produktong petrolyo mula Batangas patungong Pandacan oil depot dahil ito aniya ang pinagmumulan ng gas leak sa basement ng isang condominium sa nabanggit na lungsod.
Sinabi ng alkalde na bagama’t hindi pa naman natutukoy kung saang bahagi ng pipeline nanggagaling ang tagas ng produktong petrolyo, kinakailangan ng maipasara “indefinitely” ang FPIC upang matiyak ang kaligtasan ng kanilang mamamayan sa posibleng panganib na idudulot nito.
Nagpahayag naman ng pangamba si Leonides Garde, pangulo ng FPIC sa hindi magandang magiging epekto sakaling tuluyan nilang isara ang operasyon ng kanilang pipeline dahil 50 hanggang 60-porsiyento ng supply ng produktong petrolyo sa Metro Manila ang mapaparalisa.
Sa kanilang pipeline aniya umaasa ang Pilipinas Shell at Chevron kaya’t posibleng magkaroon ng kakapusan ng supply ng langis sa Metro Manila na ginagamit, hindi lamang sa mga eroplano kundi sa mga malalaking industriyang pang-komersiyo.
Nagpasiya ang alkalde na ipatigil ang operasyon ng pipeline matapos bumulwak ang produktong petrolyo sa tatlo sa 20 bore holes o butas na isinagawa ng task force mula Capinpin St., hanggang Pio del Pilar sa Barangay Bangkal.
- Latest
- Trending