Mga motorista at drayber hinikayat maging organ donor
MANILA, Philippines - Nanawagan ang isang non-stock, not-for-profit foundation sa mga motorista at drayber ng mga sasakyan na maging donor ng bato o iba pang bahagi ng katawan para masagip at dugtungan pa ang buhay ng libo-libong Pilipinong nangangailangan ng organ transplant.
“Magagawa nila ito kung isusulat nila sa likod ng kanilang driver’s license ang hangarin nilang maging organ donor,” sabi ni Dr. Jose Tablante, administrator ng Integrated Program on Organ Donation (IPOD) na nagsusulong ng programa sa organ donation.
Ayon kay Tablante, maraming motorista at drayber ang hindi alam na ang driver’s license ay para ring organ-donor card. Sa likod ng lisensiya ay may bahagi kung saan pipiliin ng license holder ang organ na nais niyang ibahagi kung sakaling siya’y mamatay.
Kung nasulatan ito, malalaman ng doctor o ibang health-care professional ang nais ng license holder na mag-donate at maihahanda ang organ transplant sa pasyenteng nangangailangan.
Binigyang diin ni Tablante na isang Pilipino ang namamatay sa sakit sa bato o end-stage kidney disease kada oras dahil sa kakulangan ng supply ng kidney. “Maaari silang masagip kung may mga taong magdodonate ng kanilang bato sakaling silay pumanaw na,” dagdag ni Tablante.
Ang donasyon mula sa mga patay o “brain dead” na tao ay nakasaad sa Organ Donation Act of 1991. Ang mga biktima ng aksidente ay maaari ring maging organ donors.
Para sa mga nais magkaroon ng organ-donor card, makipag-ugnayan sa mga sumusunod na organisasyon: IPOD (+63-2-4164763; www.ipodonation.org, [email protected]); Human Organ Preservation Effort o HOPE (+63-2-9243601; [email protected]); Human Organ and Tissue Transplant Program (+63-2-7239301); LifeShare Program (+63-2-6356789 ext. 6632; [email protected]).
- Latest
- Trending