MANILA, Philippines - Walang Pinoy ang kabilang sa mga biktima ng lindol at tsunami sa Indonesia na ikinasawi ng may 113 katao at pagkawala ng nasa 500 pa, ayon sa Department of Foreign Affairs.
Inatasan na ni Pangulong Aquino si Foreign Affairs Sec. Alberto Romulo na tutukan ng embahada ng Pilipinas sa Jakarta ang sitwasyon sa Mentawai island sa West Sumatra na tinamaan ng tsunami.
Tiniyak naman kahapon ng Pangulo ang pagpapadala ng humanitarian team sa Indonesia kasunod ng pananalasa ng tsunami at lindol.
Nagpaabot din ng pakikiramay ang Pangulo sa pamilya ng mga biktima ng tsunami at lindol sa Indonesia. Nagpasalamat din si P-Noy na ligtas ang may 100,000 Filipino na nasa Indonesia.
Bagama’t hindi nagpalabas ng travel advisory ang DFA, pinag-iingat pa rin nito ang mga Filipino na nais magtungo sa Indonesia.
Nasa ikalawang araw ng kanyang state visit si Pangulong Aquino sa Vietnam kung saan ay sinaksihan din nito ang paglagda sa apat na kasunduan dito.