Naglalakihang bonus sa Senado nasilip ng COA
MANILA, Philippines - Nasilip ng Commission on Audit (COA) ang naglalakihang allowance ng mga director ng Senado.
Ayon sa report, nasa P30,000 hanggang P200,000 kada buwan ang natatanggap na allowances ng mga opisyal ng Senate Secretariat depende sa kanilang posisyon.
Ang tumatanggap ng malalaking allowances ay ang mga empleyadong hindi naka-assign sa mga senador kundi mga opisyal ng Senate Secretariat.
Ang isang Director II sa Senado na may salary grade 26 ay sumasahod ng P27,000 at tumatanggap ng allowance na P33,292.
Tumatanggap naman ng allowance na P58,083 ang Director III na may salary grade 27 bukod pa sa sahod na P28,000 kada buwan.
Ang Director IV na may salary grade 28 ay may buwanang sahod na P29,000 at allowance na P64,081.66, samantalang ang Director V na may salary grade 29 ay may buwanang sahod na P30,000 at allowance na P77,115.
Umaabot naman sa P104,733.32 ang allowance ng mga Director VI na may salary Grade 30 at may suweldong P34,000.
Pinakamalaki ang natatanggap ng Senate Secretary na may salary grade 31 dahil sa buwanang P48,000 suweldo at allowance na P219,232.99.
Wala pa namang opisyal na pahayag ang liderato ng Senado kaugnay sa naglalakihang allowance na tinatanggap ng mga opisyal ng Senate Secretariat.
- Latest
- Trending