MANILA, Philippines - Kinatigan kahapon ng korte ang hirit ng kampo ni Senator Antonio Trillanes IV na ipagpaliban muna ang pagbababa ng hatol dito kaugnay sa kasong kudeta na isinampa laban sa mga sundalong nag-aklas sa Oakwood Hotel noong taong 2003.
Nabatid kay Atty. Rey Robles, abogado ni Trillanes, natanggap nila kahapon ang ibinabang kautusan ni Makati City Regional Trial Court (RTC) Judge Oscar Pimentel ng Branch 148 na inaprobahan ang kanilang motion para ipagpaliban muna ang promulgasyon bilang pagbibigay ng konsiderasyon sa proklamasyon ni Pangulong Noynoy Aquino na nagbibigay ng amnestiya sa mga rebeldeng sundalo.
Nakatakda na sanang isagawa ang promulgasyon ng naturang korte para kay Trillanes at iba pang sangkot sa Oakwood mutiny ngayong araw, subalit ipinasiya munang ibimbin upang bigyang-daan ang hirit ng abogado ng mga akusado.
Sa naturang motion, iginiit ng abogado ng mga sundalong Magdalo na mababale-wala lamang kahit na mapatunayang “guilty” at walang dudang nagkasala sa naturang kaso ang mga akusado sa oras na mapagtibay ng dalawang kapulungan ng kongreso ang amnesty proclamation ni Pangulong Aquino.
Muli namang itinakda ni Judge Pimentel ang pagbibigay ng hatol kay Senator Trillanes at mga kasamahang sundalo sa Disyembre 16, 2010 dakong alas-8:30 ng umaga.