MANILA, Philippines - Lumutang na kahapon sa National Bureau of Investigation (NBI) ang umano’y suspek sa pagpapasabog sa huling araw ng Bar examination sa De La Salle University noong Setyember 26 sa Taft Avenue, Maynila kung saan 47 katao ang nasugatan kabilang ang dalawang babaeng estudyante na nawalan ng mga paa bunga ng pagsabog.
Personal na sinamahan ni Vice-President Jejomar Binay at dating Justice Secretary Silvestre Bello sa tanggapan ng NBI si Anthony Nepomuceno, graduate sa Manuel Luis Quezon University (MLQU) at isang call center agent at miyembro ng Alpha Phi Omega (APO) fraternity.
Kinumbinse umano ni Binay si Nepomuceno na magtungo sa NBI upang humarap sa imbestigasyon at patunayang hindi siya ang may kagagawan ng pambabato ng MK2 grenade sa mga grupo ng law students sa isinagawang Bar Ops sa harapan ng La Salle.
Si Binay ang tinutukoy ni Justice Secretary Leila de Lima na kinakausap niya upang mapasuko ang suspek na umano’y kinakanlong ng isang grupo matapos na magbago ang isip ng ina ng suspek na ilutang ang kanyang anak dahil sa mayroong nagpayo dito na huwag munang isurender ang anak.
Si Nepomuceno umano ang itinuturo ng halos 17 hawak nilang testigo base na rin sa kanilang corroborative statement nang maalis ang maskara nito matapos na harangin at pagtulungan ng mga nakakita sa kanya habang tumatakbo matapos ang pagpapasabog. Subalit bigla na lamang umanong sumulpot ang dalawang lalaki na nakamaskara at may hawak ng baril kayat nakatakas ang una.
Ang dalawang lalaki na pinaghahanap na rin ng mga awtoridad at malaki ang posibilidad na miyembro din ang mga ito ng APO fraternity.
Nilinaw naman ni de Lima na hindi sinurender si Nepomuceno kundi tinurn-over lamang for questioning dahil hindi pa ito nasasampahan ng kaso kaya’t maari din itong umuwi anumang oras at ang NBI na rin ang magrerekomenda sa DOJ kung isasailalim na ito sa Preliminary Investigation.
Ang mga ka brod din umano ni Nepomuceno ang magsisilbing abogado nito at nangako kay de Lima na sa sandaling kakailanganin ang presensya nito na humarap sa NBI ay kanila itong dadalhin.
Nanindigan naman si de Lima na wala silang sasantuhin kahit ano man ang fraternity na kinaaaniban ng suspek.
Paliwanag pa ng Kalihim maaring maharap sa kasong multiple serious physical injuries, multiple frustrated homicide at damage to properties si Nepomuceno.