MANILA, Philippines - Dinagdagan ng Commission on Elections ang honorarium na ibibigay sa mga guro na nagsilbi bilang Board of Election Inspectors (BEIs) sa mga lugar kung saan naipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections dahil sa delay sa delivery ng mga election paraphernalia.
Ayon kay Commissioner Gregorio Larrazabal, pagkakalooban nila ng P1,000 karagdagang allowance ang mga teacher dahil na rin sa hindi inaasahang pagkaantala ng halalan sa ilang barangay sa buong bansa.
Bunsod na rin ng karagdagang araw ng kanilang paninilbihan, sinabi ni Larrazabal na marapat lamang na bigyan ng extra-compensation ang mga guro.
Dahil dito, kabuuang P3,000 na ang matatanggap ng mga teacher kung saan P2,000 ang orihinal na allowance at P1,000.
Naniniwala si Larrazabal na sapat lamang ang nasabing halaga dahil mahirap ang tungkulin ng mga guro lalo na sa panahon ng halalan.
Sa kabila naman nito, mas mababa pa rin ang naturang honorarium kumpara sa P4,500 na natanggap ng mga guro na nagsilbi sa halalan noong May 10 automated polls.