P-Noy dismayado sa Comelec
TARLAC CITY, Philippines – Nadismaya si Pangulong Benigno Aquino III sa naging paghahanda ng Commission on Elections (Comelec) para sa barangay at Sangguniang Kabataan elections kahapon.
Sinabi ni Pangulong Aquino sa media briefing matapos siyang bumoto sa Central Azucarera Elementary School kasama ang kanyang mga kapatid na sina Pinky Aquino-Abellada at Ballsy Aquino-Cruz, maraming lugar sa bansa ang nabalam ang pagdadala ng mga election paraphernalias.
Ayon kay Aquino, 2 o 3 araw bago ang eleksyon ay nakatanggap siya ng balita na made-delay daw ang paghahatid ng mga election paraphernalias sa maraming lugar sa bansa.
Sinabi ni P-Noy, nakakadismaya ang nasabing ulat ng Comelec gayung kung tutuusin ay mas madaling hawakan ang barangay elections kaysa sa nakaraang May 10 presidential elections.
“Paano ka naman masa-satisfy dun,” paliwanag pa ng Pangulo sa Malacanang reporters na tinukoy na may mga Brgy sa Legazpi City , Albay ang ipinagpaliban din ang botohan bunga ng pagka-delay ng mga poll paraphernalias gayung hindi naman liblib na lugar ang mga ito.
Tumagal lamang ng 15 minuto si P-Noy sa kanyang pagboto dakong alas-10 ng umaga at pumila ito kasama ang kanyang mga kapatid at hinintay ang kanilang pagkakataon na makaboto.
Idinagdag pa ng Pangulo, aalamin niya ang naging dahilan upang mabalam ang delivery ng mga election paraphernalias sa maraming lugar sa bansa.
- Latest
- Trending