MANILA, Philippines - Hindi napigilan kahapon ni Department of Social Welfare Secretary Dinky Soliman ang mapaiyak matapos ang patuloy na pagbatikos ng kanyang mga kritiko sa programang Conditional Cash Transfer (CCT) para sa mga mahihirap na ipinatutupad ngayon ng adminitrasyong Aquino.
Sa ginanap na pulong Balitaan sa Tinapayan, naluluhang ipinaliwanag ni Soliman sa kanyang mga kritiko partikular na ang Simbahang Katoliko na hindi “dole-out” ang ipinamimigay ng pamahalaan sa mahihirap.
Aniya, hindi niya matatanggap na dole-out ang kanilang ginagawa dahil kaakibat naman nito ang ilang mga kondisyon upang magsimulang umunlad ang pamumuhay ng isang ordinaryong pamilya.
Sinabi ni Soliman na layon ng kanilang programa na tapusin ang intergeneration poverty kung kayat patuloy ang kanilang ginagawang CCT sa mga mahihirap na pamilya na hindi umano naiintindihan ng kanyang kritiko.
Nilinaw ni Soliman na hindi sila nagbibigay ng pera para magpalakas sa mga tao kundi para tulungan ang may 2.3 milyon pinakamahihirap na Pilipino.
Ssinabi ni Soliman na nakatakda namang matapos ang pagtulong ng gobyerno sa may 2.3 milyon mahihirap sa 2015, kung saan ikinukunsidera ng pamahalaan na natulungan na nila para maiangat ang kabuhayan kahit papaano ng mga mahihirap.