^

Bansa

450,000 guro kasado sa Brgy., SK polls ngayon

- Mer Layson, Danilo Garcia -

MANILA, Philippines - Tinatayang nasa 450,000 guro sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa ang mu­ling magpapakabayani ngayong araw bilang mga “board of election tellers” (BETs) sa idaraos na Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa kabila na hindi pa nadagdagan ang P2,000 nilang allowance.

Kabuuang 42,025 barangay chairmen at 294,175 barangay kagawad o mga konsehal ang inaasahang iluluklok sa buong bansa ng mga botante.

Nabatid na ganito rin ang bilang ng mga SK chairmen at SK councilors na ihahalal naman ng mga kabataan.

Binigyan naman ni Department of Education (DepEd) Secretary Armin Luistro ang mga guro ng “marching orders” na ipagpatuloy ang pagiging ba­yani sa muling pagsasakripisyo sa halalan at bantayan ang pagiging sagrado ng mga balota sa anumang paraan.

Sinabi ni DepEd spokesman, Kenneth Tirado na patuloy pa rin namang nakabinbin sa Department of Budget and Management (DBM) ang petisyon nila para madoble ang P2,000 inilaang allowance. Bukod sa naturang halaga, tatanggap rin ang mga guro ng P500 transportation allowance.

Ayon sa DepEd, muling sasabak sa paghihirap ang mga guro lalo na iyong mga nakatakdang magsilbi sa mga lugar na may mainit na labanan ng mga lokal na pulitiko.

Bukod pa dito ang sakripisyo nila sa mga lugar na nasalanta ng bagyong Juan sa Hilagang Luzon kung saan inaasahang magsisiksikan ang mga presinto sa natirang mga mapapakinabangang silid-aralan sa mga paaralang winasak ng bagyo. Ang iba naman ay magsisilbing BET sa mga presinto sa mga “covered courts” at ibang lugar dahil sa bagyo.

Pumasok naman sa isang kasunduan ang DepEd sa PNP na siyang magbibigay ng seguridad sa mga guro sa paaralan at sa Integrated Bar of the Philippines (IBP) na nag-alok naman ng libreng tulong legal sa mga gurong magkakaroon ng kaso.

Nagtatag naman ng “Election Task Force Operation Center” ang DepEd sa Central Office na siyang magmomonitor sa sitwasyon ng halalan sa mga paaralan at tatanggap ng mga sumbong at reklamo sa panig ng mga botante at maging ng mga naaagrabyadong mga guro.

Ayon naman kay Comelec Spokesman James Jimenez, bagamat hanggang kahapon ay puspusan pa rin ang preparasyon nila para sa halalan, tiwala ang poll body na magiging matagumpay ang eleksiyon.

Aminado si Comelec Law Department head Atty. Ferdinand Rafanan na may natanggap silang mga report na marami pang mga lugar sa bansa ang hindi nakakatanggap sa kanilang mga election paraphernalia, hanggang nitong Linggo.

Sa kabila nito, tiniyak ni Rafanan na sisikapin nilang makumpleto ang delivery upang hindi magkaaberya ang eleksiyon ngayong Lunes.

AYON

BUKOD

CENTRAL OFFICE

COMELEC LAW DEPARTMENT

COMELEC SPOKESMAN JAMES JIMENEZ

DEPARTMENT OF BUDGET AND MANAGEMENT

DEPARTMENT OF EDUCATION

ELECTION TASK FORCE OPERATION CENTER

FERDINAND RAFANAN

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with