Dahil sa ex-convict na nag-amok: Malacañang ingat na sa clemency
MANILA, Philippines – Inamin kahapon ng Malacañang na dapat na itong mag-ingat sa pagbibigay ng mga clemency at presidential pardons sa mga nakabilanggong preso.
Ito’y matapos matuklasan na ang ex-convict na nakilalang si Seli Mateo na nag-amok sa isang eskuwelahan sa Zamboanga City kamakalawa ay nabigyan ng executive clemency noon lamang 2008.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokeswoman Abigail Valte na mahirap umanong ma-detect kung ang isang mabibigyan ng pardon o clemency ay posibleng gumawa ulit ng krimen kaya dapat magkaroon ng mahigpit na screening sa mga preso na puwede ng mabigyan ng parole o pardon.
Magugunita na pinasok ni Mateo ang Talisayan Elementary School kung saan napatay niya sa saksak ang guro na si Lorna Pulalon, estudyanteng si Ces Orpiano at lolo na si Ruben FLores na naghatid lang ng kaniyang apo sa eskuwelahan.
Hinarang umano ng gurong si Pulalon ang suspek upang hindi masaktan ang kaniyang mga estudyante.
Si Mateo umano ay isang convicted rapist na nabilanggo noong 1981 pero napalaya noong 2008.
Inutos na rin kahapon ni Pangulong Noynoy Aquino na tingnan kung anong tulong ang maaaring ibigay ng gobyerno sa mga biktima ni Mateo.
Ayon kay Deputy Presidential spokeswoman Abigail Valte, labis na ikinalulungkot ng Malacanang ang nangyari lalo na’t may mga batang nadamay.
Nakakalungkot din umano ang nangyari kay Pulalon dahil ito ang tumatayong bread-winner ng pamilya at nakatakda na sanang ikasal.
- Latest
- Trending