MANILA, Philippines - Hangad ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri ang pagkakaroon ng Honest, Orderly and Peaceful Election (HOPE) sa darating na halalan ng barangay at Samahang Kabataan (SK) sa Lunes.
Kasama ni Echiverri sa hangaring ito ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) at ang iba’t-ibang sektor ng lipunan nang sa gayon ay maging mapayapa at maayos ang gaganaping eleksiyon.
Kasabay nito, inatasan na rin ng alkalde ang lokal na pulisya na dagdagan ang isinasagawang checkpoints sa iba’t-ibang lugar sa buong lungsod upang mahuli ang mga gustong manggulo sa nalalapit na halalan.
Maging ang mga tauhan Reformed Department of Public Safety and Traffic Management (RDPSTM) ay tutulong din sa pagpapanatili ng kaayusan.
Ayon kay Echiverri, hindi niya papayagan na may gumawa ng kalokohan para lamang manalo.
Samantala, sa naging talaan ni Northern Police District (NPD) director, Sr. Supt. Edgardo Ladao, walang anumang lugar sa 188 barangays sa Caloocan City ang maituturing na “hotspot”.