MANILA, Philippines - Dapat na umanong ipag-utos ni Pangulong Noynoy Aquino sa pulisya at militar ang pagsuyod sa mga posibleng pinagtataguan ng mga nagpasabog sa isang bus kamakalawa sa Matalam, North Cotabato kung saan 10 katao ang namatay.
Kung manlalaban umano ang mga suspek, iminungkahi ni Sen. Juan Miguel Zubiri na ipag-utos ang isang “shoot-to-kill” upang hindi na pamarisan ang mga gumawa ng krimen.
Sinabi ni Zubiri na hindi dapat kaawaan ang mga gumagawa ng karumal-dumal na krimen dahil wala namang respeto sa batas ang mga ito at hindi rin iginagalang ang karapatan ng isang tao na mabuhay.
Si Zubiri ang nagsusulong sa Senado ng Senate Bill 2383, ang panukalang batas na magbabalik ng parusang bitay sa bansa para sa mga karumal-dumal na krimen.
Ayon kay Zubiri, parusang bitay ang dapat ipataw sa mga nagpasabog ng bus sa sandaling madakip at makasuhan ang mga ito.
Lumalabas aniya na wala ng takot sa batas ang mga gumagawa ng krimen dahil kulong lamang ang pinakamabigat na parusa sa bansa at gobyerno pa ang nagpapakain sa mga kriminal.
Kabilang umano sa mga kaso na dapat patawan ng death penalty ang terrorism, serial killings, gang rape, rape with murder, drug trafficking at iba pang kaso na may kinalaman sa droga.