6 Pinoy inaresto sa Macau!

MANILA, Philippines - Anim na Pinoy ang dinakip ng Macau Police matapos na iturong sangkot sa pagbili at paggamit ng mga nakaw na numero ng credit card at laptop na may internet connection ng nakalipas na linggo.

Sa report ng Konsulado ng Pilipinas sa Macau, ang anim na Pinoy ay ikinulong ng Macau Judiciary Police dahil sa di-umano’y sangkot sila sa pagbili ng Macau-Hong Kong ferry tickets gamit ang mga nakaw na numero ng credit card at laptop na may internet.

Ayon sa Konsulado, ang pag-aresto ay bunsod sa ulat ng mga bangko sa Macau na ilan sa kanilang kliyente ay nagreklamo na ginamit ang kanilang credit card sa pagbili ng mga tickets. Umaabot sa mahigit HK$300,000 ang iniulat na nakuha sa kanilang mga credit card.

Ang apat na naaresto na may edad 23-35 anyos ay mga empleyado sa isang hotel bilang chef at service attendants. Ang dalawa pa ay walang trabaho at ilegal na ang visa status.

Ayon sa mga awtoridad, ginamit umano ng mga suspek ang mga impormasyon mula sa credit cards galing sa mga hotel at shopping center. Natuklasan ng mga pulis na ang mga suspek na mga nagmamay-ari ng laptop computer.

Itinanggi naman ng mga akusado ang akusasyon.

Show comments