MANILA, Philippines - Isang OFW ang natagpuang patay sa loob ng banyo ng isang eroplano kahapon.
Kinilala ang nasawi na si Marlon Cueva, 36, may asawa, ng Lubang, Occidental Mndoro at isang power plant technician sa Dubai.
Ayon sa ulat, umalis sa Bahrain ang Gulf Air flight GF 154 kung saan lulan si Cueva na nakaupo sa number 47H. Habang nasa ere ay tila hindi umano mapakali sa eroplano si Cueva at humihingi ng tawad sa mga pasahero nito.
“Patawarin ninyo ako sa aking mga pagkakasala,” kuwento ng isang pasahero na sinabi umano ni Cueva na noo’y nakasuot ng blue shirt at itim na jacket.
“Karamihan sa amin ay natutulog na, ang iba naman ay antok na antok kaya hindi namin siya masyadong pinapansin at iyong iba naman ang akala terorista kaya medyo takot na sumagot sa kanya,” kuwento pa ng pasahero.
Isang oras bago lumapag ang eroplano sa NAIA ay nagpunta umano sa banyo si Cueva.
Gayuman, naalarma ang flight attendant nang hindi pa bumabalik si Cueva sa kabila ng paulit-ulit na announcement na lahat ng pasahero ay dapat nasa kanilang mga upuan na bago lumanding ang eroplano.
Bunsod nito, tinungo ng attendant ang banyo pero nakakandado kaya pinuwersa na itong buksan. Dito nakita si Cueva na nakaupo sa inidoro na may taling nakapulupot sa kanyang leeg na mula sa laylayan ng kanyang jacket. Tinangka pa umanong irevive ng isang stewardess ang biktima pero nabigo ito.
Bagamat anggulong suicide ang nakikita ng mga awtoridad ay pinag-aaralan din ng mga pulis kung may foul play.