10 taon sa ex-PNP official, 2 pa
MANILA, Philippines - Hinatulan ng Sandiganbayan First Division ng 10 taong pagkabilanggo si retired Chief Supt. Juan Luna, dating PNP deputy director for comptrollership at dalawang retired police officials matapos mapatunayang nagkasala sa kasong graft may kinalaman sa maanomalyang pagbili ng combat clothing at individual equipment na may halagang P20 milyon may mahigit 18 taon na ang nakararaan.
Kasama sa nahatulan sina Chief Inspectors (ret.) Joven SD. Brizuela at Danilo Garcia.
Bukod sa 10 taong kulong, inatasan din ang mga ito ng graft court na ibalik sa gobyerno ang buong halaga sa sinasabing ‘ghost purchases’ ng PNP hinggil dito.
Sa record ng korte, lumabas na ang PNP Cordillera Regional Command (Crecom) ay nag-isyu ng 250 tseke mula sa Land Bank of the Philippines na may halagang P20 milyon na nakalagay kay Brizuela bilang payee at siya ang nabigyan ng otorisasyon para maipapalit ang tseke sa cash.
Ang pera ay nai-turn over kay Garcia sa harap ni Luna.
Ang anomalya ay nabuko nang lumabas ang ilang opisyal ng Crecom commands tulad nina Chief Insp. Prospero Noble ng PNP Ifugao at Supts. Manuel Raval ng Abra, Rolando Garcia ng Benguet, Rodrigo Licudine ng Regional Mobile Force, Juan Refe ng Northern Luzon Training Center, Conrado Peregrino Jr. ng PNP Kalinga-Apayao at Amparo Cabigas ng Headquarters Services na nagsasabing pineke sa dokumento ang kanilang mga pirma.
Sa kasong ito, napawalang sala naman sina Director Guillermo T. Domondon at Supt. Van D. Luspo dahil sa kakulangan ng ebidensiya na nagdidiin sa kanila sa nabanggit na kaso.
Samantala ang isa pang akusado sa kasong ito na si Supt. Armand Agbayani ay nananatiling nakakawala at pinaghahanap ng batas.
- Latest
- Trending