MANILA, Philippines - Pinag-aaralan na ng Departent of Justice (DOJ) ang posibilidad na ilipat sa Maynila ang volunteer nurse na biktima ng rape sa Maguindanao na si Florence.
Ayon kay DOJ Sec. Leila de Lima, ito ay upang matiyak ang seguridad ni Florence habang hindi pa ito tuluyang gumagaling.
Habang nasa Cotabato kasi umano ang biktima ay hindi pa rin nila lubusang matitiyak ang seguridad nito, lalo na’t hindi pa natutukoy ng mga awtoridad ang responsable sa krimen.
Kaugnay nito, isasailalim na ng NBI sa imbestigasyon si South Upi, Maguindanao Vice Mayor Jordan Ibrahim hinggil sa posibleng pagkakasangkot nito sa kaso ng umano’y rape.
Sinabi ni de Lima na inatasan na niya ang mga operatiba ng PNP-CIDG upang alamin kung handa pa rin ba si Ibrahim na boluntaryong sumailalim sa DNA test at magsumite ng blood at vocal sample nito.
Gayunman, atubili naman umano ang abogado ni Ibrahim dahil hindi pa pormal na ikinukunsiderang suspek sa kaso ang kanyang kliyente.
Nauna nang ibinunyag ni de Lima na batay sa nakalap na forensic evidence ng NBI, maaring iisa lamang ang gumahasa sa biktima.
Ang DNA profile ng suspek ay nakuha mula sa katawan ni Florence kung saan ang resulta ng DNA ay hindi tugma sa mga nahuling suspek kamakailan, kabilang na si Melchor Fulgencio na isang dating militiamen.
Gayunman aminado si Fulgencio na kabilang siya sa gumahasa kay Florence.