^

Bansa

'Juan' nandito pa

- Nina Joy Cantos at Angie Dela Cruz -

MANILA, Philippines - Nakaambang mu­ling bumalik at manalasa sa Region 1 at Metro Manila ang super bagyong Juan na nasa teritoryo pa rin ng bansa.

Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Center (NDRRMC) analyst Perfecto Redondo, bagaman nabasag na ang mata ni Juan sa pagland-fall nito sa Sierra Madre Mountain sa Divilacan, Aurora ay maari pa rin itong magdulot ng panganib habang papalabas ng bansa.

Si Juan ay inaasa­hang lalabas na sa bansa ngayong araw na posible umanong maminsala pa tulad ni Pepeng noong nakalipas na taon na umikot –ikot lang at tatlong beses na nagland-fall sa Northern Luzon.

“Bumubuo pa, paikot-ikot at nag-iipon ng lakas si Juan na mas delikado pa hanggang hindi siya nage-exit,” ani Redondo.

Sinabi nito na kritikal pa ang sitwasyon hanggang hindi lumalabas si Juan kaya dapat na mag-ingat ang lahat.

Partikular na inalerto ng opisyal ang Region 1 tulad ng Pangasinan at Isabela na dumaranas pa rin ng malalakas na pag-ulan at ihip ng hangin.

Gayundin ang National Capital Region dahil inuulan ito habang papalabas ng teritoryo ng bansa.

Kahapon alas-11 ng umaga, si Juan ay nasa layong 180 kilometro kanluran hilagang Kanluran ng Dagupan City taglay ang lakas ng hanging 175 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugso hanggang 210 kilometro bawat oras.

Ngayong Miyerkoles, si Juan ay inaasahang nasa layong 380 kilometro kanluran hilagang kanluran ng Dagupan City at sa araw ng Huwebes ito ay nasa layong 560 kilometro kanluran hilagang kanluran ng Dagupan City.

Nakataas ang signal no. 2 sa Ilocos Sur, La Union at Pangasinan.

Signal no. 1 sa Ilocos Norte, Abra, Mt. Province, Benguet, Tarlac, Pampanga, Zambales, Bataan, Cavite at Metro Manila.

12 patay

Nabatid kay NDRRMC Executive Director Benito Ramos na umaabot na sa 12 katao ang nasawi at 19 ang nasugatan partikular na sa Region 1, II at Cordillera Administrative Region (CAR).

Kinilala ang mga biktima na sina Vicente Decena, 53 anyos, nalunod sa Tuguegarao City, Cagayan; dalawang nadaganan ng punong kahoy sa CAR na sina Aileen Reseicio, 20, ng Rizal, Kalinga at Andres Realina, 36 ng Irisan, Baguio City.

Apat rin ang nasawi sa Pangasinan na sina Anna Vidal, 29, at dalawang anak nitong sina AJ, 4, at Ogie, 2, na nabagsakan ng puno ang bahay at lima sa Isabela, tatlo rito ay tinamaan ng tidal wave sa Maconacon, Isabela na isinailalim sa state of calamity. 

Umaabot rin sa 90 % ng mga bahay sa Palanan at 80 % sa Divilacan na pawang sa Isabela na sentro ng paghagupit ng bagyo ang nawasak.

Nasa 2, 533 pamilya o 10, 608 katao sa Regions 1, II, III at CAR ang naapektuhan.

Sinakmal din ng blackout ang buong Isabela, 12 bayan at isang lungsod sa Ilocos Norte, 34 lugar sa Ilocos Sur, 18 sa La Union; 29.27 % na apektado ang Pangasinan, 85.71 % sa Abra at iba pang lalawigan sa Northern Luzon.

Patuloy naman ang pamamahagi ng relief goods sa mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad. (Dagdag ulat nina Doris Franche/Mer Layson/Butch Quejada)

ABRA

AILEEN RESEICIO

DAGUPAN CITY

ILOCOS NORTE

ILOCOS SUR

ISABELA

LA UNION

METRO MANILA

NORTHERN LUZON

PANGASINAN

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with