MANILA, Philippines - Inaprubahan kahapon ng Senate Committee on Peace Unification and Reconciliation ang resolusyon na kumakatig sa ipinalabas na proclamation ni Pangulong Benigno Aquino III na nagbibigay ng amnestiya sa mga sundalong nasangkot sa tatlong magkakahiwalay na kudeta noong panahon ni dating Pangulong Gloria Arroyo.
Ayon kay Sen. Teofisto Guingona III, chairman ng komite, kailangan na lang dalhin sa plenaryo upang pagbotohan ng mga senador ang nasabing resolusyon.
“It’s been approved at the committee level. After the committee level, it will be brought to the plenary for debate and sponsorship and it will be put to a vote,” sabi ni Guingona.
Sa ngayon ay naka-recess ang Kongreso at isa sa mga tatalakayin sa pagbabalik ng sesyon ng Senado sa Nobyembre 8 ang ipinasang resolusyon tungkol sa amnesty.
Upang magkabisa ang nasabing Proclamation no. 50 ng Pangulo, kailangang aprubahan ito ng Senado at Kamara.
Matatandaan na noong nakaraang linggo ay nilagdaan ng Pangulong Aquino ang Proclamation No. 50 na naglalayong bigyan ng amnesty ang nasa 300 sundalo na sumali sa kudeta laban sa administrasyong Arroyo noong 2003, 2006, at 2007 kung saan ay inaasahang makikinabang dito si Sen. Antonio Trillanes IV.
Samantala, muling iginiit ni Sen. Joker Arroyo na dapat munang hintayin ang desisyon ng Makati Regional Trial Court (RTC) branch 148 kung saan nakasampa ang kasong kudeta laban kay Trillanes at 30 iba pang sundalo na nasangkot sa 2003 Oakwood mutiny.
Nilinaw ni Arroyo na hind naman niya tinututulan ang pagbibigay ng amnestiya ng Pangulo pero dapat muna umanong hintayin ang ipapalabas na desisyon ni Judge Oscar Pimentel.
Samantala, sinabi naman ni Senior deputy executive secretary Amor Amorado, na malaking tulong para sa mga sundalo ang nasabing amnesty dahil muli silang mabibigyan ng pagkakataon na maging produktibo at ipagpatuloy ang pagsusulong ng mga reporma sa gobyerno.
Nagpasalamat naman si dating Brig. Gen. Danilo Lim at retired Marine Colonel Ariel Querubin kay Pangulong Aquino dahil sa pagbibigay sa kanila ng amnestiya.
Ayon din kay Amorado may kapangyarihan din si P-Noy na magbigay ng amnesty maging sa mga ordinaryong kriminal at hindi lamang sa mga rebeldeng sundalo.
“I think that amnesty power of the President has evolved through the years and theoretically, the President can issue amnesty proclamation even for ordinary criminals,’’ pahayag ni Amorado .
Kinontra naman nina Sen. Arroyo at Sen. Franklin Drilon ang legal opinion ni Amorado lalo pa’t maituturing umano itong `` very dangerous.’’