MANILA, Philippines - Galit na pinalagan ng maraming kawani ng Department of Environment and Natural Resources ang pagkaka-promote sa tungkulin ng isang mataas na opisyal ng ahensya gayung may nakapataw na kalahating taong suspension.
Kaugnay nito, nanawagan ang mga naturang empleyado kay Pangulong Noynoy Aquino na igawad na ang parusang anim na buwang suspension laban sa isang mataas na opisyal ng kagawaran na naunang napatunayan ng Supreme Court (SC) na guilty sa paglabag sa R.A. 6713 o mas kilala sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials.
Ipinataw ang suspension order kay DENR Undersecretary Manuel Gerochi subalit naiwasan niya na hindi maisilbi sa loob ng isang dekada at sa halip na maparusahan sa loob ng panahong iyon ay na-promote pa at nakuha ang kasalukuyan niyang posisyon.
Umapela ang concerned employees ng DENR na patunayan ni Pangulong Aquino na pantay-pantay sa mata ng batas ang lahat sa ilalim ng kanyang pamumuno sa pamamagitan ng pagsuspendi kay Gerochi.
Naniniwala ang mga empleyado na ginamit ng opisyal ang koneksyon nito sa nakaraang administrasyon para maiwasan ang parusa.
Sa isang certification na ipinalabas ng 2nd Division ng SC, ibinasura nito ang petition for review on certiorari na inihain ni Gerochi at mga kasamahan niya at ang hatol laban sa kanila ay naging final at executory noon pang September 3, 2002. Ipinasok na sa record ng Book of Entries and Judgments ang kaso, nangangahulugang ito ay hindi na puwedeng iapela.
Nakarating sa SC ang kaso matapos mabigo si Gerochi na noon ay director ng Land Management Division (LMD) ng DENR, kasama sina Alberto Recalde, hepe ng Legal Division, Lydia Lopez , dating OIC ng Administrative Division at Lito Salgado, na patunayang hindi sila lumabag sa batas sa pagpapabaya sa kasong isinampa ni Pacita Mariano laban sa asawa nitong si Luis na kasamahan din sa trabaho ng mga akusado.
Sa record, January 16,1997 ay nagsampa si Mariano ng kasong grave misconduct at immorality laban sa asawang si Luis. Hunyo 23, 2008, humingi si Pacita sa pamamagitan ng abogado niyang si Fortesie Intal ng mga record ng kaso sa pamamagitan ng isang liham kay Gerochi subalit hindi aniya siya pinansin at sa halip ay pinagpasa-pasahan siya ng mga akusado. Ang katwiran ni Gerochi at mga kasamahan nito ay hinihintay pa nila ang sagot ng asawa ni Pacita.
Marso 2, 1999, humingi naman siya ng kopya ng SALN ng asawa niya sa mga akusado subalit nabigo din siya sa katuwirang confidential ang dokumento.
Dahil walang maasahang hustisya mula kina Gerochi na kumakampi pa sa asawa niyang si Luis, nagsampa na siya ng reklamo. Doon ay napatunayang nagkasala si Gerochi at iba pa. Pinatawan siya ng 6 buwang suspension na walang suweldo subalit hindi ito naisilbi.